 |
 |
 |
 |
 |
|
Friday, September 14, 2007
sim card registration failed
kanina, habang nililinis ko ang bawat sulok ng aking kwarto, may napulot akong sim card. globe. aba, eto yung nawawala kong sim, naisip ko. agad ko itong sinubukan sa cellphone ko at nang magkailaw ang cellphone, agad lumabas sa screen ang mensaheng nagsasabing hindi na raw ito maaring gamitin. naisip ko ng ganun talaga ang kalalabasan dahil ilang buwan na rin itong hindi nagagamit.
nang tatanggalin ko na sana sa loob ng cellphone ang sim, tila may bumulong sakin na tingnan ang inbox kung may laman ba itong mensahe. hindi ako nagkakamali, meron nga. marami-rami rin ang mga mensaheng yon. at lahat, mahahalaga. lahat, may kabuluhan. lahat, galing sa'yo.
habang isa-isa kong binasa ang mga mensahe, isa-isa ring bumabalik ang mga alaala. alaala ng mga panahong gumagana pa ang sim. alaala ng mga panahong sa umaga pagka gising ay mensahe mo agad ang nababasa. alaala ng mga panahong mabaliw-baliw ka pag hindi tayo nagkita at hindi mo makontak ang number ko. mga alaala natin. ikaw, ako, at ang sim.
nang matapos kong basahin ang mga mensahe, tinanggal ko na agad sa cellphone ang sim. itatago ko pa sana pero naisip kong wala na rin itong silbi. sabi nga,SIM CARD REGISTRATION FAILED. parang ikaw at ako, tayo. may mga mensaheng nakatago, alaalang natitira, pero hanggang dun na lang yun. RELATIONSHIP FAILED na rin ang kaso natin.
Posted at Friday, September 14, 2007 by annenonymous
Permalink
Thursday, August 30, 2007
nag-aabang ng masasakyan, patungo kung saa'y di ko malaman...
dati, palakad-lakad lang ako. kontento na ako na magmasid-masid sa mga nangyayari sa paligid. alam ko kung san ako patungo. mabagal ang takbo ng buhay pero may kasiguraduhan. ang pinakamabilis na naging parte ng paglalakbay ko ay nang minsa'y napagod akong maglakad mag-isa at napagdesisyunang makisakay sa biseklata ng kaibigan. sinubukan kong tahakin ang landas na tinatahak niya. pero nung nagsawa ako kakatayo sa ibabaw ng gulong, bumaba ako at nagsimulang maglakad uli.
masaya ang maglakad. kahit mag-isa ka, hindi mo 'to nararamdaman dahil pakiramdam mo'y marami kayong naglalakad. na ang mga tao sa paligid ay gumagalaw kasama ng bawat yapak ng iyong paa. hindi mahirap o nakakapagod ang maglakad--lalo na kung alam mo ang 'yong patutunguhan at maganda ang daan patungo dun, kung sanman 'yon.
dalawampung taon na rin akong naglalakad mag-isa. kung san na rin nakarating. may mga maling liko, pero nagawa kong makabalik sa tamang daan. may mga nakisabay sa lakad ko, pero nagkahiwalay din ang mga landas namin. yung iba, hindi pa nangangalahati sa lakad nila, sumuko na. yung iba naman, tinahak ang ibang daan. at ako, nandun pa rin. diretso ang lakad, hindi ko man tanaw yung patutunguhan ko, alam kong nasa tamang daan ang aking mga paa.
pero lahat ng yun, parte na lang ng nakaraan. parte ng nakaraan bago kita nakilala. at ang kotse mong nagdala sakin kung sanman ako nakatayo ngayon. nakatayo sa kawalan.
naglalakad ako nun nang masilayan mo. bumaba ka mula sa kotse at nakisabay sa paglalakad ko. at nang makuha mo ang tiwala ko, dalawa na tayong nasa kotse. alam mo kung san ko planong pumunta. at sabi mo, dun rin ang punta mo. kinalimutan ko muna ang paglalakad. binigyan ko ng pagkakataon ang aking sarili na sumabay sa tulin ng kotse. ayos lang, nandyan ka naman. masaya. maingay sa loob. pero masaya. ang hindi ko namalayan, ibang ruta na pala ang tinatahak natin. dalawang taon din tayo sa masaya, maingay, pero sobrang lamig mong kotse. matagal bago ko napansing nilalayo mo 'ko sa kung san ko pinangarap na tumungo. iba pala ang landas na gusto mong tahakin. ibang lugar ang gusto mong puntahan. hindi pala tayo pwedeng magkasama sa iisang kotse. magkaibang direksyon ang dapat nating tahakin. hindi mo rin ako kayang ihatid sa pupuntahan ko, mahuhuli ka naman sa lakad mo kung ganun. kung hihintayin naman kita, baka ako naman ang mahuli.
mali. dapat hindi na tayo nagkita. handa na ang mga paa ko nun sa susunod na milya na kelangan kong lakarin. pero dumating ka. at nangakong sasabayan ako. tayong dalawa sa kotseng walang kasing bilis. tayong dalawa patungo sa tagumpay ng lakad ng ating buhay. sa dalawang taon na nakisakay ako sa kotse mo, dalawang taon din ang ninakaw mo sa byahe ko.
bumaba ako sa kotse mo. hindi pwedeng patuloy akong nakasakay dun. masasayang yung lakad ko. at baka madamay pati ang lakad mo.
mali. mali ang bumaba ako. heto ako ngayon, naliligaw. anong daan na ba tong binabaan ko?
Siguro ang tamang gawin ay manatili munang nakatayo dito sa kawalang pinag-iwanan mo sakin. At maghintay na may dumaang alam ang daan pabalik.
Posted at Thursday, August 30, 2007 by annenonymous
Permalink
Sunday, August 26, 2007
|
isang gabi. isang simpleng pag-uusap. isang pagkakamali.
ikaw: okay lang ba talaga sa'yo na ligawan ko siya?
ako: ano ba. oo naman. basta ba iingatan mo yung kaibigan ko.
ikaw: sa tingin mo, karapatdapat ba akong maging nobyo ng tulad niya?
ako: onaman. bagay nga kayo eh. sa tingin ko, gusto ka rin naman niya.
ikaw: pano mo naman nasabing bagay kami?
ako: kasi po, bagay kayong tingnan na magkasama. and mutual naman ata nararamdaman niyo.
ikaw: sa tingin mo ba, magiging mabuti akong boyfriend?
ako: siguro. mabait naman si charis eh. magkakasundo kayo.
ikaw: mabait ka rin naman eh. at magkasundo tayo. bat mo pa ako pinakilala sa kanya?
ako: ha?
ikaw: ayaw mo ba sakin? may iba ka bang gusto? hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon.
ako: ano?
ikaw: kaw talaga. okay lang. salamat na rin at pinakilala mo ko kay charis. at least mas madali kitang makakalimutan. alam ko namang alam mo na gusto kita. pero okay lang yun, na hindi mo ako gusto. salamat nga pala sa pagpapakilala samin ni charis. sa palagay ko nga tama ka, hindi siya mahirap mahalin. mabait din siya. at magkasundo rin kami. sige, uwi na 'ko. matulog ka na. kita na lang tayo bukas, ten ey em.
ako: sige. ingat.
kung alam ko lang na ganun ang mangyayari. kung alam ko lang na ganun ang iisipin mo. kung alam ko lang na magugustuhan ka rin ng kaibigan ko... sana hindi na lang kita pinakilala sa kanya. sana hindi ko na lang ipinalabas na tinataboy kita. sana hindi na lang kita itinulak palapit sa kanya. sana.
akala ko kasi pag tinaboy kita e magpupumilit kang lalong makalapit. akala ko naman kasi na kapag itinulak kita palapit sa kanya at palayo sakin eh magtatapat ka na. akala ko naman kasi na yun ang tanging paraan para maisip mo nang magsabi ng yong tunay na nararamdaman.
pero eto nga, mali ako. nung kunwari'y tinataboy kita, nagpataboy ka na tila ayon sa 'yong kagustuhan. hindi ka man lang din nagkunwaring ako'y pahirapan. nung kunwari'y tinutulak kita palapit sa kanya, para kang nag-ibang-anyo at nagpalit sa pagiging magneto. ambilis nyong naging malapit s isa't isa.
hindi ko hiniling na magkunwari ka rin. hindi ko ginustong sumakay ka sa byahe ko. akala ko pipigilan mo'ko. akala ko isasampal mo sa mukha ko ang katotohanan. pero mali ako.
sayang.
sige, bukas uli. ten ey em.
|
|
|
Posted at Sunday, August 26, 2007 by annenonymous
Permalink
Friday, August 24, 2007
limang taon. sino ba naman ang mag-aakalang hindi pa pala yun sapat para makalimutan ka.
tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagkakilala. magpapasko nun. nasa probinsya ako para samahan ang aking pinsan. ikatlong araw ko pa lang dun sa lugar na yun pero gustung-gusto ko ng bumalik samin. pano ba naman kasi, wala akong makausap kasi wala naman akong ibang kakilala bukod sa pinsan kong wala ring panahong makipagkwentuhan dahil subsob sa trabaho. kaya isang araw naisipan kong lumabas ng bahay at maglakad-lakad. bigla mo 'kong nilapitan at pinagtanungan. may kinalaman sa lugar na yon ang tanong mo. dahil wala akong alam, nalaman mong nagbabakasyon lang ako. at nalaman kong ikaw pala'y ganun din.
nagkrus muli ang landas natin ng sumunod na araw. at dahil pareho tayong bakasyunista at walang magawa, napagdesiyunan nating maging magkaibigan. at simula nun, halos araw-araw tayong nagkukwentuhan tungkol sa kahit anong bagay. ang gaan agad ng loob ko sa'yo. at palagay ko'y ganun ka rin sakin.
disyembre 24. alas onse ng gabi. bigla kang sumulpot sa harapan ng bahay na may dala-dalang regalo. talagang nagulat ako dahil hindi ko inaasahang maiisip mo 'kong bigyan ng regalo. nang buksan ko ito, halos maiyak ako sa tuwa. minsan kong nabanggit sayo na pangarap kong maiguhit gamit ang lapis. tuwang-tuwa ako nang makita ang gawa mo. hindi mo naman nabanggit na may talento ka pala sa pagguhit. sobrang saya ko nun. pero nung gabing yun din ako nagsimulang mangamba.
napansin kong hindi ako napapakali pag di ka nakikita sa isang araw. kapag nandyan ka naman, kakaiba ang nararamdaman ko. parang kinakabahan na masaya na di ko mawari. pero kahit ganun, alam kong hindi pwedeng mahulog nang sobrang lalim ang loob ko sayo. mahirap na baka sa sobrang lalim e hindi ko na 'to mahukay pag dumating ang araw na kelangan na nating bumalik sa totoong mundo kung saan tayo ay magkaiba at magkalayo.
disyembre 29. nagpaalam ka. babalik na kayo ng pamilya mo sa australia. naaalala ko ang bawat ekspresyon ng iyong mukha nung una mong sinabi ang balita. tila napakalungkot mo at kayo'y aalis na. gusto ko ngang isipin na nahuhulog na rin ang loob mo sakin nun kaya ka nalulungkot. pero bago ko pa man makumbinsi ang sarili ko na ganun nga ang nararamdaman mo, nagbago agad ang ekspresyon ng iyong mukha nang tila bigla ay mayroon kang naalala. bukas, uuwi na kami...ok na rin kasi miss ko na rin yung girlfriend ko. mag-iisang buwan na rin kaming hindi nagkikita.
para akong binuhusan ng malamig na tubig na may kasamang yelo at pako. malamig. masakit. pero hindi mo kasalanan. hindi naman ako nagtanong. naging mabait ka sakin. naging mabait ka lang sakin. yun lang yun e. at naging tanga lang ako.
kanina, habang mag-isa akong naglalakad sa may dagat, hindi ko namalayang naisulat ko pala sa buhangin ang pangalan mo. napansin ko lamang ito nang unti-unti ng binubura ng alon ang bawat titik nito. napaisip ako. sana tulad ng buhangin, kayang burahin ng tubig ang bawat alaala ng paskong yon. parang buhangin na sa pagdating ng bagong alon, nabubura lahat ng alaala. ng mga alaala mo. at alaala ng paskong iyon na nagpapalungkot sa mga sumunod na pasko. :(
Posted at Friday, August 24, 2007 by annenonymous
Permalink
|
|
 |
 |
 |
 |
 |
 |
 |
 |
|
 |
|
 |